Photo courtesy of Department of Agriculture (DA)
Iniutos ng Department of Agriculture (DA) ang masusing pagsusuri sa mga dokumento ng Farm-to-Market Road (FMR) projects matapos matukoy ang maling coordinates sa walong entries mula sa kabuuang 1,669 na proyekto.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., nagmula umano sa encoding at typographical errors ang mga pagkakamali, na agad nilang itatama.
Kasabay nito, paiigtingin ng DA ang transparency at public monitoring sa pamamagitan ng FMR Road Watch portal, kung saan maaaring makita ang project status, coordinates at contractor ng mga proyekto.
Tiniyak din ng ahensya ang mas mahigpit na validation at pakikipagtulungan sa civil society groups upang mapalakas ang accountability sa paggamit ng pondo ng bayan.