Sinisiguro ng Marcos Administrasyon na sa ilalim ng Bagong Pilipinas, lahat ng mga Pilipino ay laging konektado.
Mapa-guro man, estudyante, at pamilya sa malalayong lugar, nais ng pamahalaan na abot ng internet connectivity ang mga ito.
“Ang bagong Pilipino, laging konektado, mapa-estudyante, guro at mga pamilya sa malalayong lugar, iyan ang nais makita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. pagdating sa internet connectivity sa buong bansa kaya naman nakatakdang pangunahan ni Pangulong Marcos Jr. ang pagpupulong ng PSAC Digital Infrastructure Group sa Malacañang mamayang hapon.” -Castro.
Sa pulong sa Malacanang na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. tinalakay ang mga hakbang para sa patuloy na pagbuti ng internet connectivity sa bansa, na gagampan ng malaking papel sa edukasyon ng mga kabataan, at sa pagpapasigla ng ekonomiya ng bansa.
“Tatalakayin sa nasabing meeting ang mga hakbang para pagandahin pa ang internet connectivity sa bansa na siya namang makakatulong sa edukasyon ng kabataan at nagpapasigla sa ating ekonomiya.” -Castro.
Sabi ng opisyal, sa kasalukuyang panahon, ang internet connection ay hindi na maituturing na luho, bagkus, mahalagang kagamitan para sa paga-aral ng mga bata.
“Ngayon ay hindi na lang luho ang internet connection para sa mga estudyante bagkus ay isang essential tool na ginagamit sa pag-aaral.” -Castro.
Gumagampan din aniya ito ng malaking papel sa negosyo, lalo’t mas maraming oportunidad ang darating kung mas reliable ang internet connection.
“Ganoon din para sa mga negosyo, mas maraming oportunidad kapag mas reliable ang connection; mas mabilis ang asenso kapag konektado.” -Castro. Kasama sa mga tinalakay sa nasabing pulong ang pagpapalakas sa digital services at cybersecurity ng bansa at iba pang mga paksa.