Kasunod ng pagkilala ng Michelin sa mas maraming restaurant sa bansa, isinusulong ngayon ni Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo Ordanes ang paglikha ng bagong kategoryang National Artist para sa culinary arts o sining ng pagluluto.
Hinimok ni Ordanes ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Cultural Center of the Philippines (CCP) na pag-aralan ang panukala upang mabigyang-parangal ang mga Pilipinong nagpapanatili at nagpapayaman sa tradisyon ng pagkaing Pilipino kasama dito ang mga chef, kusinero, food service workers, magsasaka, mangingisda at livestock raisers.
Ayon sa mambabatas, nararapat ding kilalanin ang mga natatanging chef at iba pang culinary practitioners na nag-aangat sa lutuing Pilipino sa international scene.
Sa ngayon, wala pang hiwalay na kategorya para sa culinary arts sa ilalim ng Order of National Artists.
Iminungkahi rin ni Ordanes na magsagawa ng mga pag-aaral ang mga unibersidad upang maidokumento ang kasaysayan, pagkakaiba-iba, at natatanging tradisyon ng mga lutuing Pilipino.