Magpupulong ngayong martes ang Senado at Kamara para talakayin ang mga isyu sa panukalang P7.2-trillion national budget para sa 2027.
Ayon kay Senate Committee on Finance Chairman Senador JV Ejercito, dadalo siya sa pulong kasama sina Senate President Sherwin Gatchalian at House Speaker Faustino Dy.
Kasunod ito ng mga puna ng mga senador at civil society organization sa mga pagbabago ng Kamara sa panukalang budget.
Kabilang ang pagtapyas ng P130-billion pondo para sa foreign-assisted projects, habang nagdagdag naman ng halos pitong libong infrastructure projects sa DPWH at Department of Agriculture.
Ayon kay Ejercito, nauunawaan ng Senado ang kagustuhan ng mga kongresista na makapaghatid ng mga proyekto sa kani-kanilang distrito pero may mga bagay na hindi nila maaaring ikompromiso.
Kabilang dito ang pagbabalik ng pondo para sa foreign-assisted projects dahil mga commitment aniya ito ng gobyerno at mahalaga sa pag-unlad ng bansa.
Sinabi rin ng senate finance chief na hindi rin papayagan ng Senado ang mga infrastructure project na walang kumpletong dokumento.
Ngayong martes rin ang itinakdang deadline ng DPWH para isumite ang mga kinakailangang requirements ng mga proyekto nito.
Nauna nang binatikos ng People’s Budget Coalition ang pagdadagdag ng Kamara ng halos pitong libong DPWH infrastructure projects na nagkakahalaga ng nasa P190 billion. | ulat ni Nimfa Asuncion