Umabot na sa 4,579 ang naitalang kaso ng dengue sa lungsod ng Maynila mula January 1 hanggang November 4 ngayong taon.
Batay sa pinakahuling datos ng Manila Health Department (MHD), 40 bagong kaso ng dengue ang naitala ngayong araw, November 4.
Bukod dito, nakapagtala rin ng 34 na kaso ng influenza-like illness at 10 kaso ng severe acute respiratory infection.
Samantala, umabot na sa 2,926 ang kabuuang kaso ng influenza-like illness, 1,664 sa leptospirosis, 604 sa severe acute respiratory infection, 115 sa COVID-19, 91 sa typhoid fever at apat sa cholera mula noong January.
Wala namang bagong naitalang kaso ng leptospirosis, COVID-19 at cholera sa pinakahuling ulat.
Patuloy ang paalala ng MHD sa publiko na panatilihing malinis ang kapaligiran, alisin ang mga naipong tubig na maaaring pamugaran ng lamok at agad magpakonsulta kapag nakaranas ng sintomas ng sakit.