Nagpahayag ng suporta si 1-Rider Partylist Representative Rodge Gutierrez ang panawagan ni Transportation Secretary Vince Dizon na alisin na ang limitasyon sa bilang ng mga motorcycle taxi sa bansa.
Ayon kay Dizon, hindi na angkop sa kasalukuyang pangangailangan ng mga commuter ang umiiral na cap na itinakda bago pa ang pandemya.
Sinabi ni Gutierrez na kailangan nang iayon sa aktuwal na demand ng publiko ang bilang ng mga motorcycle taxi, lalo na’t kulang pa rin ang pampublikong transportasyon sa Metro Manila.
Dahil dito, iginiit ng mambabatas ang agarang pagpasa sa House Bill 4416 o Motorcycle Taxi Bill na layong gawing permanente ang regulasyon sa motorcycle taxi services.
Sa ilalim ng panukala, magkakaroon din ng malinaw na patakaran sa bilang ng mga rider at mga benepisyo at proteksiyon para sa kanilang hanapbuhay.
Binigyang-diin ni Gutierrez na hindi sapat ang pansamantalang pagbabago sa polisiya hangga’t walang permanenteng batas na magsisilbing gabay sa industriya.