Arestado ang teller ng isang awtorisadong lotto outlet sa Caloocan City matapos mahuling ginagamit ang lisensiya nito bilang takip sa ilegal na numbers game.
Sa operasyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at National Bureau of Investigation (NBI) noong Nobyembre 4, nakumpirma sa pamamagitan ng test buy na tumatanggap ang outlet ng taya sa pamamagitan ng GCash at nag-iisyu ng hindi awtorisadong tiket.
Nasamsam sa operasyon ang tinatayang ₱5,000 bet money, isang ilegal na tiket, cellphone, lotto terminal equipment at iba pang gaming paraphernalia.
Ayon sa PCSO, paiigtingin nito ang pakikipagtulungan sa NBI upang matiyak na hindi inaabuso ang mga lotto franchise at maprotektahan ang pondo para sa mga programang pangkalusugan at serbisyong pangkawanggawa.
Pinaalalahanan din ang publiko na tumaya lamang sa lehitimong lotto outlets at i-report ang mga kahina-hinalang transaksiyon o resibo sa mga awtoridad.