Photo courtesy of Department of Finance
Nanawagan ang Pilipinas ng mas mabilis at mas madaling pagkuha ng pondo para sa mga bansang lantad sa epekto ng climate change.
Sa ika-17 Vulnerable Twenty Group of Finance Ministers (V20) Ministerial Dialogue sa Bangkok, Thailand, binigyang-diin ni Department of Finance (DOF) International Finance Group Undersecretary at Supervising Undersecretary for Climate Finance Policy Joven Balbosa ang pangangailangan ng agarang tulong-pinansyal sa mga komunidad na madalas tamaan ng sakuna.
Isinusulong ng Pilipinas ang mas abot-kayang pautang, pangmatagalang financing at mga grant para sa pagtatayo ng imprastrakturang matibay laban sa kalamidad.
Kabilang din sa panukala ang Lifeline Fund na magbibigay ng mabilis na tulong-pinansyal sa loob lamang ng ilang araw sa halip na ilang buwan.
Layunin din nitong palakasin ang kakayahan ng mga lokal na institusyon na pondohan ang mga programang pangkaligtasan at paghahanda sa climate change.
Tinalakay sa pagpupulong ang pagpapalawak ng climate financing, partikular sa sektor ng tubig, kalusugan at edukasyon.