Nanawagan si Abra District Representative JB Bernos sa pamahalaan na paigtingin pa ang kampanya laban sa mga ilegal na sugal at scam operations sa bansa.
Ayon kay Bernos, Vice Chairperson ng House Committee on Public Order and Safety, kailangang palakasin ang mga hakbang upang hindi maging kanlungan ng mga sindikato ang Pilipinas na nagsasagawa ng ilegal na operasyon.
Babala ng mambabatas na kapag hindi mapanagot ang mga sangkot dito, maaari lamang itong makahikayat ng mas maraming sindikato na magtayo ng kanilang operasyon sa bansa.
Kailangan din aniya ng mas mahigpit na koordinasyon at intelligence-sharing sa mga karatig-bansa upang matugunan ang paglipat ng mga sindikato sa Pilipinas kasunod ng mga crackdown sa iba pang bahagi ng ASEAN.
Hinimok din ni Bernos ang mga awtoridad na tukuyin at imbestigahan ang mga lokal na kasabwat o protektor ng mga ilegal na operasyon upang matiyak na mapapanagot ang mga ito sa batas.
Punto niya hindi makapagtatatag at makapagpapatakbo ang mga dayuhang sindikato sa bansa nang walang tulong mula sa mga lokal na indibidwal.