Inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi nakikipag-away ang Pilipinas sa alinmang bansa sa usapin sa West Philippine Sea, at tumatayo lang ito sa sariling karapatan.
Ito ang tugon ni AFP Rear Admiral Roy Vincent Trinidad sa pahayag ni Vice President Sara Duterte na hindi dapat nakikipag-away ang gobyerno sa ibang bansa, partikular sa China.
“Hindi po tayo nakikipag-away sa kahit sino mang bansa sa West Philippine Sea. Tayo lamang ay tumatayo sa ating karapatan na pinagkaloob ng Diyos sa atin, yung ating maritime entitlements, yung ating sovereignty and sovereign rights,” ani Trinidad.
Mandato aniya ng DND at AFP na ipagtanggol ang mga karapatang ito, para matiyak na mamanahin ng susunod na henerasyon ng mga Pilipino ang isang bansang buo at malaya.
Iginiit ni Trinidad na walang inaangkin ang Pilipinas na hindi sa kanya, at hindi ito ang nagpasimula ng gulo.
Samantala, may moral na obligasyon aniya ang bawat Pilipino na ipagtanggol ang ating pambansang interes.