Muling pinagtibay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang matatag na paninindigan nito na pangalagaan ang kapakanan at kaligtasan ng lahat ng overseas Filipino workers (OFWs), anuman ang mangyaring sitwasyon sa pagitan ng Taiwan at China.
Ito ang binigyang-diin ni AFP Spokesperson for the West Philippine Sea retired Rear Admiral Roy Vincent Trinidad nang matanong kung paano kayang manatiling neutral ng Pilipinas sakaling sumiklab ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon kay Trinidad, kahit wala pang direktang digmaan, ang ano mang krisis o insidente sa Taiwan Strait ay tiyak na magkakaroon na ng direktang epekto sa mga Pilipino roon.
“Any contingency across the (Taiwan) Strait short of war would already impact our OFWs. We don’t even have to be at war. We are always looking after the welfare of the Filipino people wherever they are around the world,” pahayag ni Trinidad.
Dagdag pa niya, gagawin ng pamahalaan ang lahat ng kinakailangang hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng tinatayang 180,000 hanggang 200,000 na mga OFW na kasalukuyang nagtatrabaho sa Taiwan.
Samantala, nilinaw rin ni Trinidad na ang mga opisyal ng pamahalaan at ng militar ay hindi naghahanap ng gulo o nakikipag-away sa China, kundi mahigpit lamang na nagtatanggol sa soberanya ng bansa.
“Hindi po tayo nakikipag-away sa kahit sino mang bansa sa WPS. Tayo lamang ay tumatayo sa ating karapatan na pinagkaloob ng Diyos sa atin, yung ating maritime entitlements, yung ating sovereignty and sovereign rights,” aniya.
Ginawa ni Trinidad ang pahayag bilang tugon sa mga panawagan ng ilang sektor na amyendahan o pawiin ang matigas na tindig ng bansa sa isyu ng West Philippine Sea. Giit niya, mandato ng AFP na protektahan ang teritoryo ng bansa upang matiyak na ang susunod na henerasyon ng mga Pilipino ay makapagmana ng isang buo at malayang bansa.