Iniimbestigahan na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga insidente ng cybersecurity sa sistema nito na iniulat nitong November 6-7.
Ayon sa BIR, agad itong kumilos para matukoy ang lawak ng mga record at impormasyon na posibleng naapektuhan.
Sa inisyal naman nitong pagsisiyasat, nananatiling buo at ligtas ang integridad ng kanilang internal database infrastructure at mga sistema.
Wala ring impormasyon ng taxpayers ang nabago o nawala, at hindi rin nakompromiso ang mga rekord kaugnay ng paghahain ng buwis at pagbabayad nito.
Gayunman, may ilang impormasyon sa taxpayer profiles na posibleng na-expose o nalantad sa hindi awtorisadong pag-access.
Nakikipag-ugnayan na ang BIR sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), at sa National Computer Emergency Response Team ng Department of Information and Communications Technology (DICT-NCERT), para sa masusing forensic investigation.
Ipinaalam na rin ng BIR sa National Privacy Commission ang insidente, alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon.
Samantala, pinapayuhan ng BIR ang publiko na palitan at i-update ang kanilang mga password, gumamit ng multi-factor authentication kung mayroon nito, at regular na bantayan ang kanilang mga account laban sa kahina-hinalang aktibidad.