Inatasan ni Chief Justice Rodil Zalameda ang Office of the Court Administrator na makipag-ugnayan at tumulong sa pamilya ng hukom na pinaslang sa Zamboanga City.
Kinilala ang biktima na si Judge Joseph Wee Sit na binaril sa Barangay Tumaga sa naturang lungsod ngayong November 12.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Korte Suprema sa pamilya, mga kaibigan at kasamahan ng nasawing hukom.
Ayon sa Supreme Court, nakikipag-ugnayan na rin ang Office of the Judiciary Marshals sa mga kinauukulang awtoridad upang imbestigahan ang insidente at matukoy ang mga nasa likod ng pamamaril.
Nagtapos ng abogasya si Wee Sit sa Western Mindanao State University. Bago italagang hukom noong Setyembre ng nakaraang taon, nagsilbi muna siyang piskal at public attorney.
Hindi na muna nagbigay ng karagdagang detalye ang Korte Suprema upang hindi makaapekto sa nagpapatuloy na imbestigasyon.
Binigyang-diin naman ng Kataas-taasang Hukuman na walang hukom ang dapat mangamba para sa kaniyang buhay dahil lamang sa pagtupad sa tungkulin.
Giit pa ng SC, ang pag-atake sa mga hukom ay hindi lamang banta sa kanilang personal na kaligtasan kundi maging sa kakayahan ng hudikatura na maghatid ng patas na hustisya.