Photo courtesy of Department of Social Welfare and Development (DSWD)
Muling ipinagpatuloy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng tulong sa mga natitira pang vendors na pansamantalang naapektuhan ang kabuhayan dahil sa paghahanda para sa 2026 ASEAN Summit.
Isinagawa ang payout sa Cuneta Astrodome sa Pasay City kung saan nakatanggap ang bawat vendor ng tig-₱10,000 financial assistance.
Bukod sa cash aid, bawat benepisyaryo ay makatatanggap din ng family food packs upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan habang pansamantalang hindi muna pinapayagang magtinda.
Karugtong ito ng mga naunang pamamahagi ng tulong ng DSWD sa business owners at vendors sa Pasay at Parañaque City.
Alinsunod pa rin ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na matiyak na walang kabuhayan at pamilyang mapapabayaan sa gitna ng paghahanda para sa mahahalagang pagtitipon sa bansa.