Nakapagtala ng 190 na volcanic earthquake ang PHIVOLCS sa Bulkang Bulusan sa nakalipas na 24-oras batay sa kanilang ulat ngayong November 16, 2026.
Nasa 527 tonelada/araw ang sulfur dioxide flux sa naturang bulkan batay sa kanilang pinakahuling monitoring nitong November 9.
May taas na 50-metro ang plume sa bulkan na nasa katamtamang pagsingaw at napadpad sa timog-kanluran.
Naitala rin ang panandaliang pamamaga sa bulkan.
Sa ngayon, nananatiling nakataas ang Alert Level 1 sa Bulkang Bulusan kung kaya’t mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 4-km permanent danger zone at ang pagpasok nang walang pag-iingat sa 2-km Extended Danger Zone (EDZ) sa gawing timog-silangan. Ipinagbabawal din ang pagpalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.
Pinaalalahanan din ng ahensya ang publiko na posibleng maganap ang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosion anumang oras. | ulat ni Paul Hapin | Radyo Pilipinas Albay