Dinepensahan ng Philippine National Police (PNP) ang mga pulis kaugnay ng kumakalat na larawan ng isang police mobile na nakaparada sa isang motel.
Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Allen Rae Co, huwag sanang lagyan ng malisya ang larawan dahil ang motel ay “motorist hotel,” kaya natural lang na may nakaparadang sasakyan.
“We will be checking of course kung ano ang circumstances niyan but most probably, I cannot say with most certainty, but most probably siyempre ito ay nagpapahinga. Kailangan din magpahinga ng ating kapulisan. As a matter of fact yung thousands na deployed natin kailangan din matulog niyan,” ani Co.
Mas abot-kaya rin umano ang motel para sa mga pulis na naka-deploy, dahil may opsyon sa mas maikling oras ng pananatili, kumpara sa mga hotel na buong araw ang check-in.
Matatandaang kumalat ang larawan ng isang police mobile na umano’y nakaparada sa isang drive-in motel sa Maynila, habang isinasagawa ang security operations para sa 49th ASEAN Summit.