Mariing pinabulaanan ng Manila Police District o MPD ang paratang ng grupong Kilusang Mayo Uno na ang mga miyembro umano ng kapulisan ang nasa likod ng ikinalat na dumi ng tao at ihi sa Liwasang Bonifacio sa lungsod ng Maynila nitong Lunes.
Ayon kay MPD Spokesperson Police Major Philipp Ines, walang basehan ang naturang akusasyon at nagpaalala sa grupo na maging responsable sa pagbibitaw ng mga salita.
“Hindi dapat nagbibigay ng mga alegasyon nang walang patunay o ebidensya,” giit ni Ines.
Nanindigan ang pamunuan ng MPD na hindi nila gawain ang ganitong uri ng pananabotahe at patuloy silang nakatutok sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa nasabing lugar.
“Hindi namin gawain iyon,” giit ni Ines.
Dagdag pa ng opisyal, nananatiling nakatutok ang hanay ng pulisya sa kanilang pangunahing mandato na panatilihin ang kaayusan, kalinisan, at kapayapaan sa mga pampublikong lugar—lalo na ngayong patuloy ang mga serye ng malalaking pagtitipon at kaganapan tulad ng ASEAN 2026 sa Kalakhang Maynila.
Hinimok din ng MPD ang publiko at mga progresibong grupo na maging responsable sa kanilang mga pahayag upang maiwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon.