Nanawagan si House Committee on Public Order and Safety Chair at Manila 2nd District Representative Rolando Valeriano sa Philippine National Police o PNP at mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang seguridad sa mga paaralan, simbahan at iba pang matataong lugar ngayong holiday season.
Ito’y matapos mapigilan ng National Bureau of Investigation o NBI ang umano’y planong pamamaril ng tatlong menor de edad sa Batac, Ilocos Norte.
Ayon sa NBI, isa sa mga menor de edad ang umano’y nagpaplanong magsagawa ng pag-atake sa December 16, kasabay ng pagsisimula ng Simbang Gabi.
Sinabi ni Valeriano na dapat magsilbing babala ang insidente sa mga awtoridad upang mas palakasin ang police visibility, regular patrols at intelligence coordination.
Hinimok din niya ang PNP at NBI na paigtingin ang pagbabahagi ng intelligence information upang maagapan ang mga posibleng banta bago pa magkaroon ng karahasan.
Nanawagan din siya sa Department of Education at Department of Social Welfare and Development na palakasin ang anti-bullying programs at mga intervention para sa mga kabataang nagpapakita ng banta ng karahasan.
Hinimok naman ni Valeriano ang mga magulang at gun owners na tiyaking ligtas at hindi maaabot ng mga bata ang kanilang mga baril at iba pang mapanganib na kagamitan. | ulat ni Kathleen Forbes