Nananatiling normal ang sitwasyon sa paligid ng EDSA Shrine sa ikatlong araw ng panananatili roon ng mga tagasuporta ng pamilya Duterte.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas kay Eastern Police District Director, PCol. Villamor Tuliao, aabot sa 200 pulis ang ipinakalat sa lugar para tiyakin ang seguridad at kaayusan sa paligid ng EDSA Shrine.
Nagmula aniya ang mga contingent mula sa pinagsanib na puwersa ng EPD at Quezon City Police District.
Batay sa pinakahuling monitoring ng EPD, hindi bababa sa 100 indibdwal ang kasalukuyang nagkakampo sa likod ng EDSA Shrine at hindi na ito nadagdagan pa buhat noong Martes.
Gayunman, nabatid na tila nagiging emosyonal ang mga nagkakampo roon sa tuwing may lumalapit na mga miyembro ng media para i-cover ang kanilang pananatili.
Una nang isiniwalat ni PNP Public Information Office Chief, PBGen. Jean Fajardo na may ilang kasama sa grupo ang umaming hakot at nabayaran matapos magreklamo ang ilan sa mga ito dahil sa kulang sa napag-usapan ang kanilang natanggap. | ulat ni Jaymark Dagala