Sinagot ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre ang ilan sa alegasyon ni Sen. Bato Dela Rosa patungkol sa kasunduan sa pagitan ng Tingog, PhilHealth at Development Bank of the Philippines.
Ani Acidre, tanging layunin ng kanilang memorandum of agreement ay para pagtulungang maisaayos ang paghahatid ng mas maayos na healthcare sa mga malalayong lugar.
Una nang nilinaw ng mambabatas na walang perang ililipat sa Tingog para sa Maalagang Republika: Rural Financing Health Development Program.
Bagkus, magsisilbi lang aniya silang tulay sa mga local government unit na nais lumapit sa Development Bank of the Philippines para makakuha ng hospital loan program upang makapagpatayo ng healthcare facilites.
Ipapa-accredit naman ang naturang ospital sa PhilHealth.
“Tingog Party-list does not handle funds, manage projects, or encroach upon the functions of the Department of Health (DOH) or the Department of the Interior and Local Government (DILG). These agencies remain central to national healthcare programs,” giit ni Acidre.
Dagdag ni Acidre na hindi rin nila bina-bypass ang iba pang ahensya ng gobyerno gaya ng alegasyon ng senador.
Pagseserbisyo at wala rin aniyang halong pulitika ang pakikipagtulungan na ito ng Tingog.
Hinimok ni Acidre ang kapwa mambabatas na tingnan na lang ang magandang intensyon ng programa kaysa pagdudahan at siraan.
Payo pa nito sa senador na harapin ang mga isyung ibinabato sa kaniya kaysa punahin ang isang programa na layon lang magbigay serbiyo sa publiko.
“Instead of politicizing a well-intentioned initiative, Senator Dela Rosa should focus on addressing the lingering questions about his past and how it has affected the lives of countless Filipinos….his sudden concern for governance and ethics appears more like a smokescreen to distract from his own accountability issues than a genuine critique of the MOA,” ani Acidre. | ulat ni Kathleen Forbes