Nangako nitong Sabado si South Korean President Yoon Suk Yeol na lalaban para sa kanyang political future matapos ma-impeach sa ikalawang pagboto ng opposition-led parliament bunsod ng kanyang pagdeklara ng panandaliang martial law sa kanilang bansa.
Iginiit ni South Korea President Yoon na hindi dapat tumigil ang kanyang political journey na kanyang nasimulan mahigit dalawang taon nang nakararaan.
Sa susunod na anim na buwan ay pagdedesisyunan ng Constitutional Court kung tuluyan nang aalisin si South Korean President Yoon mula sa kanyang pwesto. Kung sakaling masisibak ang pangulo, magsasagawa ng snap election sa South Korea.
Si South Korean Prime Minister Han Duck-soo ang naging acting president habang suspendido na ang presidential powers ni South Korean President Yoon.
Ayon kay South Korean Prime Minister Han, gagawin niya ang kanyang makakaya upang muling mapatatag ang pamahalaan.
Samantala, nagdiwang ang mga nagprotesta malapit sa South Korean parliament upang isulong ang impeachment ni South Korean President Yoon gamit ang makukulay na LED sticks habang nagpapatugtog ng musika.
Dito ay hinikayat sila ni Democratic Party leader Lee Jae-myung na sama-sama silang lalaban at binigyang-diin na nakalikha ng panibagong kasaysayan ang mga mamamayan ng South Korea.| ulat ni Anne Stephanie Vicente