Kinikilala at nirerespeto umano ng Commission on Elections (COMELEC) ang tatlong bagong Temporary Restraining Orders (TRO) mula sa Supreme Court kaugnay ng ilang lokal na kandidato para sa May 12 National and Local Elections at BARMM Parliamentary Elections ngayong taon.
Dahil dito, itinigil ng COMELEC ang pag-imprenta ng anim na milyong balota at magkakaroon ng pagbabago sa database ng mga kandidato. Iniulat din ng COMELEC na rescheduled ang kanilang “Trusted Build” ng Automated Election System o AES sa Enero 20, 2025, sa Palacio del Gobernador, Intramuros, Manila.
Kasunod nito, magsisimula naman ang paggawa ng bagong disenyo ng 1,667 ballot templates sa Enero 21, sa Laguna. Nilalayon ng COMELEC na muling masimulan ang produksyon ng balota sa pinakamaagang posibleng panahon upang mabawasan at mabawi ang nawalang oras sa pag-imprenta ng balota.
Muling tiniyak ng COMELEC sa sambayanang Pilipino na ganap nitong kontrolado ang sitwasyon, at ang mga hamong ito ay malalampasan ng Komisyon, at malulutas sa mga paraan na hindi makakaapekto sa pagsasagawa ng halalan sang-ayon sa ipinag-uutos ng konstitusyon sa ika-12 ng Mayo 2025. | ulat ni EJ Lazaro