Pinaga-aralan na rin ng pamahalaan ang posibilidad na magpatupad ng maximum suggested retail price sa karne ng baboy, laban sa profiteering.
Pahayag ito ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. kasunod ng ipinatawag na pulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kung saan tinalakay ang lagay ng supply at presyo ng mga pagkain sa bansa, o ang food security situation ng Pilipinas.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ng kalihim na mismong ang pangulo ang nakapuna na masyadong mataas ang presyo ng karne ng baboy na nasa PhP380 hanggang higit PhP400 kada kilo.
Sabi ng kalihim, ang farm gate price ng baboy ay nasa PhP240 hanggang PhP250 lamang kada kilo, kaya’t nakapagtataka ang mataas ang presyo nito sa palengke.
“Anything above 400, I think, is unreasonable. Three eighty maybe but I’m not yet sure, talagang nagdi-deep dive tayo diyan para makita natin na kung talagang tama—dapat kasi ‘di ba walang profiteering. Kailangan enough lang iyong kita sa bawat stage eh so doon ang ating pag-aaralan nang mabuti.” —Tiu.
Dahil dito, ini-imbestigahan na ng pamahalaan ang insidenteng ito, at komu-konsulta na rin sa mga producer upang malaman kung magkano ba dapat ang presyuhan ng karne ng baboy.
Sa oras aniya na mapatunayang mayroong nagaganap na profiteering o pananamantala, mananagot ang mga nasa likod nito at magpapatupad ang DA ng maximum suggested retail price (MSRP) sa karne ng baboy.
“We’re currently studying that and digging deep doon sa buong value chain ng pork ‘no at makita na …kung makita natin kung talagang may profiteering ba o wala. Kung if we have identified na may profiteering iyan, then definitely we will be doing an MSRP also for pork.” —Tiu. | ulat ni Racquel Bayan