Binigyang-diin ni Cong. Brian Yamsuan ang kahalagahan na bigyang importansya ng Kongreso ang pagbibigay proteksyon sa mga kababaihan na bahagi ng informal economy.
Gayundin ay kailangan aniya ng mga bagong batas para mabigyan ng sapat na representasyon ang mga kababaihang biktima ng pang-aabuso para madepensahan ang kanilang mga sarili sa korte.
Kasabay ng pagdiriwang ng Women’s Month ngayong buwan ng Marso, sinabi ni Yamsuan na marami naman nang naging hakbang ang pamahalaan para mapalakas pa ang mga kababaihan bilang tagapagtaguyod din ng lipunan, ngunit marami pang kailangan gawin para bigyang proteksyon sa aspetong pang ekonomiya at legal ang mga kababaihan na kabilang sa marginalized sector.
Halimbawa nito ang kaniyang panukala na bigyan ng maternity cash benefit na katumbas ng 22 beses ng umiiral na minimum wage rate sa rehiyon kung saan sila nakatira.
Nakapaloob ito sa House Bill 10070 na layong bigyan ng benepisyo ang mga manggagawang babae sa informal economy o yung mga no-work, no-pay.
Itinutulak din ni Yamsuan ang panukala para tulungan ang mga battered women sa pagkakaroon ng mabigat na testimoniya na kanilang magagamit sa korte sa tulong ng DOJ, DSWD at Commission on Human Rights.
“With this proposed measure, we hope to curtail the rise in the number of women who are victims of physical violence and psychological and emotional abuse by their partners,” ani Yamsuan. | ulat ni Kathleen Forbes