Itinutulak ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na obligahin ag mga school bus na maglagay ng seat belts at lap safety belts para maprotektahan ang mga etudyante mula sa anumang aksidente.
Sa inihaing Senate Bill 2958 o ang panukalang School Bus Safety Act ni Estrada, hindi maaaring mairehistro ang mga school bus kung wala itong mga seat belts.
Oras na maging batas, aatasan nito ang Department of Transportation (DOTr) na magtakda ng mga regulasyon sa loob ng isang taon para sa seat belts ng drivers at mga pasahero, kabilang ang lap belts o child safety devices.
Ang mga may-ari ng school bus na walang seat belts ay bibigyan ng anim na buwan, mula sa paglalathala ng regulasyon, para makapagpalagay ng kinakailangang seat belts.
Bukod dito, itinatakda sa DOTr na magtaguyod ng programa tungkol sa paggamit ng seat belts sa mga school bus; hikayatin ang mga lokal na pamahalaan na bantayan ang paggamit ng seat belts; at mamahagi ng educational materials tungkol sa kahalagahan ng seat belts para sa mga pasahero at drayber ng school bus.
Sinabi ni Estrada na dapat ding bigyan ng DOTr ng nararapat na pagkilala ang mga paaralang may mataas na antas ng paggamit ng seat belt sa kanilang mga school bus. | ulat ni Nimfa Asuncion