Isang banal na misa ang naging opisyal na hudyat ng pagsisimula ng kampanya ng mga lokal na kandidato ng Ako Bicol party-list sa Lungsod ng Legazpi at sa buong Lalawigan ng Albay ngayong araw.
Ginanap ito sa St. Raphael the Archangel Church sa lungsod kung saan ibinahagi ng namuno sa misa ang makahulugang mensahe tungkol sa pagkakaisa ng sambayanan.
Pagkatapos ng misa, agad na sumakay sa kanilang mga service vehicles ang mga kandidato kasama ang kanilang mga tagasuporta.
Tinatayang mahigit 300 sasakyan ang lumahok sa makulay na motorcade—binubuo ito ng mga campaign vehicles, pampasaherong jeepney, at tricycle na puno ng masisiglang tagasuporta. Sa bawat barangay na dinaanan, may mga itinakdang lugar kung saan sabik na naghihintay ang mga tagasuporta.
Binaybay ng motorcade ang sentro ng Legazpi, patungong hilagang bahagi ng lungsod at pabalik sa city proper. Bagamat inabutan ng biglaang ulan, hindi ito naging hadlang sa masiglang pagdaraos ng aktibidad.
Samantala, inaabangan naman ngayong hapon ang Opening Grand Rally ng AKO Bicol na gaganapin sa Sawangan Park, Legazpi City. Tampok sa programa ang sikat na bandang Kamikazee na tiyak na magbibigay-saya sa mga dadalo. | ulat ni Nancy Mediavillo | RP Albay