Nangako ang Police Regional Office 7 na hindi nila tatantanan ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng fake news o disinformation sa social media.
Ito’y makaraang sampolan ang dalawa na nasa likod ng pagpapakalat ng fake news sa social media kung saan, dinoktor nila ang isang video ng Sinulog Grand Procession upang palabasing prayer protest rally ito pabor kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay PRO 7 Director, PBGen. Redrico Maranan, naisampa na ang reklamo laban sa 2, partikular na ang paglabag sa Cybercrime Prevention Act dahil sa malisyosong pagpapakalat ng disinformation at misinformation.
Dagdag pa ni Maranan, may binuo silang cyber patrollers na siyang nagmomonitor sa online platforms para tukuyin at papanagutin sa batas ang mga nasa likod nito.
Binigyang diin pa ni Maranan na ang hakbang ay alinsunod na rin sa atas ni PNP Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil na supilin ang pagpapakalat ng fake news na nakasisira sa pampublikong diskurso. | ulat ni Jaymark Dagala