Inaprubahan ng binuong technical working group (TWG) ng House Committee on Population and Family Relations ang pinag-isang substitute bill na nagsusulong ng diborsyo sa bansa.
Ito ang kinumpirma ni Albay Representative Edcel Lagman na siyang nagsilbing taga pangulo ng TWG.
βI am elated to report that the Philippines is at the threshold of joining the community of nations upholding the universality of divorce,β pagbabahagi ni Lagman.
Kabilang sa naipasok na probisyon sa substitute bill ng House Bill 78, ang tatlong taong spousal support matapos maibaba ang divorce decision bastaβt hindi pa nag-aasawa muli ang innocent spouse.
Papatawan naman ng multang P300,000 ang mag-asawang magsasabwatan o asawa na mamimilit para maghain ng divorce petition.
Kailangan naman maihain ang petition for divorce sa loob ng 10 taon mula sa pagkakadiskubre ng dahilan ng divorce o effectivity ng Absolute Divorce Act, depende sa kung alin ang mahuli.
Bibigyan ng 60 araw na cooling-off period ang mag-asawa upang mapabilis ang pagdinig sa petisyon.
Magkagayunman maaari pa ring magkasundo ang mag-asawa habang hinihintay ang desisyon o kahit pa maisapinal na ang divorce decree.
Isang taon matapos ang cooling-off period at hindi naman nagkasundo muli ang mag-asawa ay dapat nang makapaglabas ng desisyon ang angkop ng Family Court.
Magtatalaga din ng administrator para mamahala sa conjugal property o absolute community of property sa kasagsagan ng divorce proceedings. | ulat ni Kahtleen Forbes