Siniguro ng economic managers ng pamahalaan na walang itatapyas sa pondo ng mga programang nakapaloob sa national budget para suportahan ang Maharlika Investment Corporation.
Sa isang joint statement, ipinaliwanag ng economic managers na 50 billion pesos ang initial contribution ng national government na kukunin mula sa declared dividends ng Bangko Sentral ng Pilipinas, government share sa kita ng PAGCOR, proceeds mula sa pagsasapribado ng government assets at iba pang sources gaya ng royalties.
Bago pa isama sa probisyon ng funding para sa MIF, nakonsulta na anila ang national government at BSP hinggil sa kakayahang pinansyal upang suportahan ang kapital sa mga unang taon.
Giit nito, ang kontribusyon ng pamahalaan ay tumutukoy lamang sa seed fund at hindi kukunin mula sa programmed o unprogrammed appropriations sa pambansang budget.
Dagdag pa ng economic managers, ginarantiya ng Senado sa pag-amiyenda nito sa MIB na hindi maaaring gawing kontribusyon ang pension at social funds.
Maituturing umano itong fiscal risk management measure na titiyak na ang mga naturang pondo na pinangangasiwaan ng SSS, GSIS at iba pang pension at social funds ay gagamitin lamang para sa partikular na pangangailangan ng mga miyembro. | ulat ni Hajji Kaamino