Sasampahan ng kaso ng pamahalaan ang mga mahuhuli at mapatutunayang nanggugulo sa ibang tsuper na pumapasada, sa gitna ng ipinatutupad na tigil pasada ng transport groups na tutol sa modernization program ng public utility vehicles (PUVs).
Pahayag ito ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, kasunod ng mga ulat na may mga nanghaharang o nanggugulo sa mga nagtatrabahong tsuper ng jeepney.
Sa briefing ng Laging Handa, ipinaliwanag ng opisyal na act of violence na kasi ito, kaya’t dapat lamang maparusahan ang mga mapapatunayang gumagawa nito.
Ang hanay aniya ng Philippine National Police (PNP), nakakalat na upang umalalay sa mga commuter at upang matiyak ang kapayapaan sa mga kalsada.
Ayon sa kalihim, base sa inisyal na assessment sa transport strike ngayong araw hindi ito masyadong nakaapekto, dahil mas marami pa rin aniya ang pumasada.
“Ang initial report po sa amin ay hindi naman masyadong nakaapekto iyong ginawang pagtigil noong iba nating mga driver and operators. Karamihan ay lumabas din o pumasada pa rin iyong mga drivers natin dito sa Metro Manila and other provinces. Ang report po sa amin, Bacolod, walang sumama, Region IX, X, XI, XII ay hindi rin sumama. Kahapon nakausap ko iyong mga operators natin sa Laguna, sa Cavite at Bulacan at Tarlac ay hindi rin sila sumama.” β Secretary Bautista | ulat ni Racquel Bayan