Ipinaaaresto ng korte ang nasa 6 na opisyal ng Japanese Multinational company na Fujifilms matapos ireklamo ng estafa ng Sunfu Solutions Incorporated, isang kumpaniyang humahawak ng mga healthcare projects.
Batay sa inilabas na kautusan ng Pasig Regional Trial Court branch 268, ipinag-utos nito ang pag-aresto kina Ryo Nagaoka, Evan Reyes, Anil Jabob John na kilala rin bilang si Anil John, John Paul Camarillo, Dinesh Mehra, at Eric Koh.
Nag-ugat ang reklamo nang maglabas ng First Tier Certificate ang Fujifilms sa Sunfu para sa pagsusuplay ng medical equipments na nakalaan sana sa OFW Hospital and Diagnostic Center sa Pampanga.
Nangako rin ang Fujifilms ng buong suporta nito sa bid ng Sunfu para siyang makakuha ng kontrata sa distribution ng kanilang mga kagamitan sa nabanggit na ospital kaya’t naglabas ng malaking halaga ang nagrereklamo para rito.
Subalit kalauna’y nabunyag na naglabas din pala ang Fujifilms ng kaparehong sertipikasyon sa kalabang kumpaniya ng Sunfu para sa pamamahagi ng mga medical equipment.
Dahilan upang iakyat ng Sunfu sa Husgado ang reklamo dahil sa anila’y pagsisinungaling at panlilinlang ng Fujifilms.
Bagaman, maaaring makapagpiyansa ng P48 libo ang bawat isang inirereklamo, hiniling ng complainant sa korte na maglabas ng hold departure order upang hindi mabalam ang takbo ng mga pagdinig sa kaso| ulat ni Jaymark Dagala