Ngayong tumigil na ang transport strike, inanunsyo na rin ng Malabon at Navotas Local Government ang pagbabalik ng face-to-face classes sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pampribadong paaralan sa lungsod simula bukas, March 9.
Alinsunod ito sa rekomendasyon ng Schools Division Office (SDO) ng dalawang lungsod.
Kasunod nito ay kapwa inihinto na rin ng mga lokal na pamahalaan ang pagbibigay ng kanilang libreng sakay sa mga commuter.
Mayroon na kase aniyang sapat na bilang ng mga pampublikong transportasyon para sa ligtas na pagbiyahe ng mga residente.
Nauna nang nagkasa ng Oplan Libreng Sakay ang Navotas at Malabon LGU sa iba’t ibang ruta para maghatid sa mga commuter noong panahon ng tigil pasada. | ulat ni Merry Ann Bastasa