Nais ng isang mambabatas na dagdagan ang mga otoridad na maaaring magpatupad ng batas at manghuli sa mga nagmamaneho na lasing o lulong sa impluwensya ng droga.
Ayon kay Bicol Saro Party-list Representative Brian Yamsuan, hindi sapat ang tauhan ng Land Transportation Office (LTO) para hulihin ang mga lumalabag sa Republic Act 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act.
Dahil dito, inihain ni Yamsuan ang House Bill 7968, para amyendahan ang naturang batas upang i-deputize ng LTO ang ilan sa tauhan ng Philippine National Police (PNP), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at local government para ipatupad ang naturang batas.
Maliban dito ay pinadadagdagan din ng mambabatas ang sobriety at drug test kits na magagamit ng LTO at deputized officers.
“One life lost to drunk or drugged driving is one too many. The number of deaths from drunk or drugged driving-related accidents could have been minimized, if not totally prevented, had we more officers on the streets to conduct roadside operations. especially during the holidays when cases of driving under the influence significantly increase,” ani Yamsuan.
Kasama rin sa panukala ang atas sa LTO, na regular na magsagawa ng random inspection at drug test sa mga PUV driver.
Pinasasama naman sa K-12 curriculum ang road safety at drivers’ education, upang maaga pa lang ay maituro na sa mga bata ang kahalagahan ng pagiging maingat sa pagmamaneho.
Batay sa datos ng PNP Highway Patrol Group, umabot na sa 59 ang insidente ng road accident dahil sa mga nagmamaneho ng lasing ang naitala noong November 2022.
Sa datos naman ng LTO Law Enforcement Service-Anti-Drunk and Drugged Driving Enforcement Unit, 402 road crash ang kanilang tinugunan mula January hanggang August 2022 kung saan 353 sa mga ito ay positibo sa alcohol intoxication. | ulat ni Kathleen Forbes