Base sa Proklamasyon Blg. 361, ipinagdiriwang mula ika-17 hanggang ika-23 ng Hulyo ang 45th National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week.
Ito ay may temang: Aksesibilidad at Karapatan ng mga Taong may Kapansanan: Daan Tungo sa Sustenableng Kinabukasan na Walang Maiiwan (“Persons with Disabilities Accessibility and Rights: Towards a Sustainable Future where No One is Left Behind.”)
Layon nito na tiyaking mabigyan ng pantay-pantay na oportunidad, aksesibilidad, at karapatan ang mga may kapansanan.
Layon ng program na ipaalam sa lipunan na kaya nilang makilahok at magkaroon ng ambag patungo sa pagpapanatili at makatuwirang hinaharap na walang maiiwanan.
Ayon kay Persons with Disability Affairs Office Disability Affairs Officer IV Jennifer V. Garcia, bilang bahagi ng pagdiriwang, ibat-ibang aktibidad din ang nakahanay katulad ng:
- Leadership and Sensitivity Trainings
- Training on Basic Sign Language
- Talakayan tungkol sa mga batas na pumuprotekta at kumikilala sa mga karapatan ng mga taong may kapansanan.
Katuwang ng Provincial Social Welfare and Development Office-PDAO sa pamumuno ni PSWDO Annabel Terrado Roque ang ibat-ibang local government units at ang Pangasinan Federation of Persons with Disabilities.
Ipinaalam din ni Disability Affairs Officer IV Garcia na ang lalawigan ng Pangasinan ang napiling host para sa Regional Celebration ng NDPR Week Culminating Activity sa darating na ika-27 ng Hulyo na gaganapin sa Sison Auditorium.
Ang pagtatapos NDPR week ay kaalinsabay sa petsa ng kapanganakan ng “Dakilang Lumpo” o “Dakilang Paralitiko” na si Gat Apolinario Mabini sa ika-23 ng Hulyo.
Una ng iginiit ni Pangasinan Governor Ramon V. Guico III na buo ang kanyang suporta sa mga programa para sa kapakanan ng mga Person With Disabilities (PWD) dahil nais bigyang diin ng kanyang liderato ang pagkakapantay-pantay ng lahat pagdating sa oportunidad at serbisyo.| ulat ni Marie Mildred Estrada-Coquia| RP1 Tayug