Nilinaw ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na private visit ang ginawang pakikipagkita ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kay Chinese President Xi Jinping sa China kahapon.
Ayon kay Go, base sa kanyang impormasyon ay inimbitahan si dating Pangulong Duterte ng Friends of the Philippines Foundation para sa inagurasyon ng Soledad College Building sa Fujian, China.
Ito ang gusali na pinangalan sa yumaong nanay ni FPRRD na si Soledad Duterte.
Sinabi ni Go na makailang beses nang inimbitahan ng organisasyon ang dating pangulo at ngayon lang ito natuloy dahil na rin sa COVID-19 pandemic.
At dahil nasa bansang China na rin ay sinabay na rin ni dating Pangulong Duterte ang pagbisita sa kayang kaibigan na si Chinese President Xi Jinping.
Sa kanilang pagkikita ay pinasalamatan aniya ni Duterte si Xi para sa mga naitulong ng kanilang bansa sa Pilipinas noong panahon ng kanyang termino.
Wala naman nang ibang detalyeng ibinigay si Go tungkol sa naturang pagpupulong dahil hindi siya kasama sa delegasyon ng dating pangulo sa pagbisita sa China.| ulat ni Nimfa Asuncion