Matapos ang dalawang beses na suspensyon ay tuluyan nang pinatalsik ng Kamara bilang miyembro nito si Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo Teves Jr.
Nasa 265 na mambabatas ang bumoto pabor at tatlong abstention para pagtibayin ang rekomendasyon ng House Committee on Ethics sa ilalim ng Committee Report 717 para patawan ng parusang ‘expulsion’ si Teves.
Ayon kay Ethics Committee Chair Felimon Espares, bunsod ito ng patuloy na ‘disorderly behavior’ ng mambabatas na salig sa Section 141 a at b ng Rule 20 ng House Rules at paglabag sa Code of Conduct ng House of Representatives.
Partikular dito ang dalawang beses na pagkuha ng asylum sa Timor Leste, patuloy na unauthorized absence na maituturing anilang abandonment of duty, gayundin ang ipinakitang indecent behavior sa social media.
Matatandaan na binigyan ng Kamara ang travel authority si Teves para sa isang personal trip sa Estados Unidos mula February 28 hanggang March 9.
Ngunit magpasahanggang ngayon ay hindi pa rin umuuwi si Teves sa bansa.
Kaya naman noong March 22 at May 31 ay pinatawan ng 60-day suspension si Teves.
Si Teves ay iniuugnay sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Nitong August 1 ay itinuring ng Anti-Terrorism Council si Teves at labin dalawang iba pa bilang terorista
Nilinaw naman ni Espares na hindi kasama sa grounds o dahilan ng expulsion ang designation ng ATC kay Teves bilang terorista bagkus ay bahagi lang ng kanilang diskuyson.
Ito ang unang beses na may isang kongresista na na-expel dahil sa disorderly behavior.
Noong 2003, pinatalsik ng Kamara si dating Manila 6th district Rep. Mark Jimenez na may kasong kriminal noon sa US… 2011, na-expell din si Dinagat Islands Rep. Ruben Ecleo Jr. matapos ma-convict sa 3 counts of graft.| ulat ni Kathleen Jean Forbes