Karagdagang barko ang bibiyahe mulat at patungong Zamboanga at Jolo simula kahapon na magbibigay ginhawa sa libo-libong biyahero araw araw sa probinsya.
Ayon kay Port Manager Nurmina Wallace, ng Bangsamoro Port Management Authority (BPMA) sa Jolo, simula kagabi, dalawang barko na ang bumiyahe mula Zamboanga sa dating isang barko lamang tuwing Lunes.
Ito ay matapos bumiyahe kagabi ang isang barko ng Montenegro Shipping Lines na MV Maria Rebecca, maliban pa sa biyahe nito tuwing umaga ng Huwebes at Sabado.
Muli ring umarangkada ang biyaheng Jolo-Siasi at Jolo-Zamboanga ng MV Ever Queen of Asia tuwing Huwebes at Linggo.
Malaki ang pinagbago aniya sa biyahe ngayon matapos ang halos ilang linggong sunod-sunod na pag dry-dock ng mga barko bilang bahagi ng preventive maintenance na naging dahilan din ng pagdagsa ng mga biyahero sa halos isang barko kada araw.
Sa harap nito, payo ni Wallace sa mga bibiyahe lalo ngayon na balik eskwela, planuhin nang mabuti ang biyahe upang maiwasan ang aberya. | ulat ni Eloiza Mohammad | RP1 Jolo