Iminungkahi ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na ipagpaliban muna ng isang linggo ang pagpapatupad ng Executive Order (EO) No. 39 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na nagtatakda ng price cap sa bigas.
Sa panayam sa media, sinabi ni SINAG Executive Dir. Jayson Cainglet na umaasa itong mabigyan pa ng sapat na panahon ang mga retailer na mapaubos ang mga kasalukuyang stock nito ng bigas bago magbenta ng P41-P45 na kada kilo ng regular milled at well-milled rice.
Paliwanag nito, mahalagang magkaroon ng mekanismo para maalalayan ang mga retailer lalo’t karamihan sa mga ito ay nabili ng mas mahal ang kanilang stock.
Kaugnay nito, muli namang ipinunto ng SINAG ang suporta nito sa EO 39 na aniya ay tamang hakbang para mapigilan ang paglobo ng presyo ng bigas sa merkado at profiteering ng mga nananamantalang trader.
Umaasa lamang ang SINAG na maging klaro ang monitoring ng DA at DTI sa naturang price ceiling. | ulat ni Merry Ann Bastasa