Target ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na madesisyunan na ngayong araw ang mga petisyon hinggil sa taas-pasahe ng transportation group.
Sa nakatakdang pagdinig, inaasahan ang muling pagharap ng mga kinatawan mula sa Pasang Masda, ACTO, at Altodap para sa kanilang hirit na ₱1 provisional fare hike.
Ito ay sa gitna pa rin ng walang prenong pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.
Matatandaang na-technical noong nakaraang pagdinig ang ilang transport group dahil sa kakulangan ng dokumento.
Hindi kasi naisama ng grupo sa petisyon ang modern jeepneys at tanging sa Metro Manila lang ang sakop nito.
Pinagbigyan ito ng limang araw para makumpleto ang kanilang mga dokumento.
Ayon naman kay LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz, agad maglalabas ng pasya ang Board oras na matapos ang pagdinig. | ulat ni Merry Ann Bastasa