Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mananatili itong kakampi ng bayan laban sa anumang uri ng katiwalian.
Sa gitna ito ng malawakang kampanya ng ahensya laban sa iba’t ibang uri ng katiwalian na pawang ipinagbabawal sa ilalim ng Anti Red Tape Act (ACT), alinsunod sa Republic Act 11032.
Ayon kay LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III, mananatiling bukas ang ahensya sa pakikipagtulungan sa gobyerno upang masiguro na hindi masasayang ang tiwala na ipinagkaloob ng publiko sa mga opisyal sa sektor ng transportasyon.
Pinasalamatan din ni Guadiz ang mga transport group na patuloy na naniniwala sa kakayahan ng ahensya na mabigyan ng kalidad na serbisyo ang publiko.
Hinihikayat din ng LTFRB ang publiko na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan sakaling naging biktima ng katiwalian o may nais ipaalam na kinakailangan ng agarang aksyon ng pamahalaan.| ulat ni Rey Ferrer