98% ng mga Pilipino, suportado ang libreng tuition sa mga pampublikong unibersidad; Patuloy na suporta para sa SUCs, tiniyak ni Sen. Gatchalian

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nangako si Senador Sherwin Gatchalian na pagsisikapan niyang mapunan ang kulang na pondo para sa libreng edukasyon sa state universities and colleges (SUCs).

Para kasi sa susunod na taon, tinatayang P4.1 billion ang magiging kakulangan sa pondo para matustusan ang free education sa mga SUC.

Ipinunto ni Gatchalian na apektado ng kakulangan ng pondo ang kakayahan ng mga SUC na makapag-invest sa mga pasilidad, mga laboratoryo at iba pang resources, para matiyak ang de-kalidad na edukasyon sa mga mag-aaral sa kolehiyo.

Kaugnay nito, binigyang-diin ni Gatchalian ang resulta ng kinomisyon niyang Pulse Asia survey, na nagpapakita na 98 percent ng mga Pilipino ang pabor sa libreng tuition sa mga pampublikong unibersidad.

Base sa survey na ginawa noong September 10 to 14, 2023 sa 1,200 na adult respondents, lumalabas na suportado ang polisiyang ito ng lahat ng economic classes (99% sa Classes ABC, 97% sa Class D, at 100% sa Class E); at maging ng iba’t ibang mga lugar sa bansa (98% sa National Capital Region, 96% sa Balance Luzon, 99% sa Visayas, at 100% sa Mindanao).

Batay sa resulta, pangunahing dahilan ng pagsuporta ng mga Pilipino sa libreng tuition sa SUCs ang pagtaas ng bilang ng mga natatapos sa pag-aaral.

Ayon kay Gatchalian, pinapakita lang nito na naniniwala ang mga sinurvey na ang pagtatapos sa kolehiyo ang daan para sa mas maunlad na buhay at mas maraming mga oportunidad.

Binigyang diin ng senador, na dahil sa Universal Access to Quality Tertiary Education act (Republic Act 10931) ay dumami ang bilang ng mga kabataang pumasok sa kolehiyo.

Kaugnay nito, sinabi ng mambabatas, na titiyakin niyang matatanggap ng state universities and colleges ang suportang kinakailangan nila para makapaghatid ng de-kalidad na edukasyon. | ulat ni Nimfa Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us