Mas pinaigting ngayon ng lokal na pamahalaan ng Camalig, Albay ang pagbubukas ng mga iba’t ibang destinasyon na maaaring makatulong sa pag-usbong ng turismo hindi lamang sa bayan kundi pati na rin buong lalawigan ng Albay.
Nagsagawa ng malawak na pagmamapa sa pangunguna ni Camalig Mayor Carlos Irwin Baldo Jr. katuwang ang Tourism and Cultural Heritage Office para sa pagbubukas ng makasaysayang Japanese Tunnel na umusbong noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ilan sa mga inisyatibang isinagawa ay ang pagsasaayos ng pasukan ng tunnel, pagtatasa at dry run ng mga tunnel tour, at paglilinis ng pathway at paligid. Bilang karagdagang paghahanda, tinukoy din ang kabuuang kapasidad sa pakikipag-ugnayan ng Visitor’s Information Center (VIC).
Ang World War II Japanese-dug tunnels ay nagsilbing kuta ng Japanese Imperial Army noong panahon ng kanilang pananakop noong 1940s. Ang site ay kapansin-pansin sa estratehikong kahalagahan nito at sa pagiging lokasyon kung saan napagtagumpayan ng mga pwersang Amerikano ang paglaban ng mga Hapones, na hudyat ng pagbabago sa Albay at sa buong Rehiyon ng Bicol noong panahon ng digmaan.
Nakatakdang buksan sa publiko ang tunnel sa sandaling maisakatuparan ang lahat ng safety measures at protocol. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay
Photos from Camalig PIO