Handang kausapin ni Senador Robin Padilla ang mga mambabatas sa Kamara para makonsidera ang isinusulong niyang pagbabago ng economic provision ng konstitusyon sa pamamagitan ng Constituent Assembly (Con-Ass).
Paliwanag ni Padilla, matagal na panahon ang kakailanganin kung idadaan ang pag-amyenda sa Saligang Batas sa pamamagitan ng Constitutional Convention (Con-Con) na gusto ng Kamara.
Dagdag pa aniyang dapat ikonsidera ay ang pagiging mas magastos ng Con-Con kaysa sa Con-Ass.
Isinusulong ng senador na idaan sa Con-Ass ang pag-amyenda sa economic provision para maihabol ito at maisabay sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) sa Oktubre.
Kapag aniya naaprubahan ito sa Oktubre ay agad itong maipapatupad at makakagawa na ang Kongreso ng mga bagong paraan para mabuksan ang ekonomiya ng bansa.
Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi prayoridad sa ngayon ang pagbabago sa Saligang Batas. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion