Welcome development para kay Senate Committee on Public Services Chairperson Senadora Grace Poe ang pag aalis ng Court of Appeals (CA) ng temporary restraining order (TRO) sa delivery ng higit tatlong milyong plastic cards na ginagamit sa pag-iimprenta ng mga driver’s license.
Umaasa si Poe na sa pamamagitan nito ay magtutuloy-tuloy na ang delivery ng mga plastic cards ayon sa commitment ng mga supplier at matutugunan na rin ang backlog sa mga driver’s license.
Kaugnay nito, nanawagan ang senadora sa LTO na agad na ring maglabas ng guidelines kung paanong makukuha ng mga driver na nabigyang ng papel na lisensya ang kanilang plastic card-printed licenses.
Hinihikayat rin ni Poe ang LTO na pag aralan na ang posibilidad na mag-produce ng sarili nilang plastic cards sa hinaharap, gaya ng ginagawa na ngayon sa mga plaka ng sasakyan, para hindi na makaantala muli ng serbisyo.
Matatandaang nag ugat ang paglalabas ng TRO sa kasong inihain ng kumpanyang Allcards Inc., ang natalong bidder sa procurement ng nasa 5.2 million plastic cards noong nakaraang taon.
Nagresulta ito sa pagtigil ng delivery ng nasa 3.2 million plastic cards at backlog sa driver’s license na aabot sa 4.1 million bago ang katapusan ng Marso. | ulat ni Nimfa Asuncion