Iminungkahi ni Senador Francis Tolentino na hingiin ang tulong ng Estados Unidos para maibsan ang epekto ng nararanasang El Niño ng bansa.
Sinabi ng Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones chairman na para madagdagan ang value ng kinakasang maritime cooperation ng Pilipinas sa ibang mga bansa sa West Philippine Sea (WPS), dapat ay hingin ng ating bansa ang tulong ng US sa pagsasagawa ng cloud seeding.
Ito ay kaugnay ng isinagawang multilateral maritime cooperation activity (MMCA) sa pagitan ng Pilipinas, Estados Unidos, Australia at Japan sa WPS.
Giit ni Tolentino, pasok sa existing cooperation ang humanitarian missions para tumulong sa ating bansa lalo’t kalamidad din naman na maituturing ang El Niño.
Wala rin aniyang cloud seeding planes ang Department of Agriculture (DA) at malaking tulong kung maipapagamit ng US ang kanilang Navy planes para sa pagsasagawa ng cloud seeding upang umulan sa mga lugar na nakakaranas ng matinding tagtuyot at maibsan ang problema ng mga magsasaka sa kanilang mga pananim.| ulat ni Nimfa Asuncion