Gaya ng pagkakaroon ng typhoon warning signals, iminungkahi ngayon ni Valenzuela Rep. Eric Martinez na maglagay din ng Heat Index Warning ang PAGASA sa gitna ng nararanasang mainit na panahon.
Matatandaan na una nang inudyukan ng mambabatas ang PAGASA na magkaroon ng protocol pagdating sa panahon ng tag-init gaya nang sa tag-ulan at hayaan na ang PAGASA na manguna sa weather-related decision-making processes.
Halimbawa aniya maaaring sa Heat Index No. 1 ay payuhan lang ang publiko na umiwas na lumabas ng bahay… at sakaling tumindi ang init at umabot ng Heat Index No. 3 ay maaaring gawing batayan na ito para sa kanselasyon ng face-to-face classes.
Sabi pa ni Martinez na kailangan makasabay ang bansa sa ‘new normal’ dulot ng climate change.
Kung kinakailangan ay handa naman si Martinez na maghain ng resolusyon para magkaroon ng inquiry in aid of legislation kaugnay sa kaniyang mungkahi.
Pero aniya, maaaring magdesisyon na mismo ang PAGASA hinggil dito.| ulat ni Kathleen Jean Forbes