Sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na maituturing na tagumpay ng Pilipinas nang makuha ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang “solid commitment” ng bansang America at Japan na itaguyod ang soberanya at territorial integrity ng bansa.
Ginawa ng House leader ang pahayag kasunod ng inilabas na Joint Vision Statement nina US President Joe Biden, Japan Prime Minister Fumio Kishida, at President Marcos Jr. kung saan tinutulan ng mga ito ang naging agresibong aksyon China’s Coast Guard sa fishing militia vessels sa West Philippine Sea.
Iginiit din ng tatlong leader ang Arbitral Tribunal ruling kung saan ang Second Thomas Shoal (Ayungin Shoal) ay bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas at dapat itong igalang ng China.
Ayon kay Speaker Romualdez, ipinamalas ni Pangulong Marcos ang kaniyang matibay na pamumuno upang isulong ang diplomatic initiative sa kapakanan ng interes ng bansa at protektahan ang ating territoryo.
Diin nito, ang commitment ng Amerika at Japan na suportahan ang Pilipinas na depensahan ang soberanya ay upang pairalin ang regional peace at patunay ng bilateral and multilateral partnerships upang tugunan ang anumang hamon sa seguridad. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes