Nagpulong kahapon, April 19, sina Senate President Juan Miguel Zubiri at si New Zealand Prime Minister Christopher Luxon para talakayin ang mas malalim na ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at New Zealand lalo na pagdating sa usapin ng ekonomiya at seguridad.
Nasa Pilipinas si Luxon bilang bahagi ng kanyang working trip sa Southeast Asia.
Ayon kay Zubiri, ang pagpupulong na ito ay magandang oportunidad para sa relasyon ng ating bansa sa New Zealand bilang ka-partner sa pag-unlad sa Indo-Pacific region.
Giniit ng senate president na higit siyang interesado sa pagpapalalim ng kooperasyon sa New Zealand pagdating sa ekonomiya at sektor ng agrikultura.
Aniya, marami tayong matututunan mula sa tagumpay ng New Zealand bilang isang global agricultural exporter.
Tinalakay rin nina Zubiri at Luxon ang bilateral security cooperation.
Umaasa ang senador na magiging kaalyado natin ang New Zealand sa pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon at kalaunan ay mas maging matatag ang security cooperation sa kanila.| ulat ni Nimfa Asuncion