Pinagtibay ng Mababang Kapulungan sa sesyon nito ngayong hapon ang House Resolution 1691 na naghahayag ng pakikiramay sa pagpanaw ng kasamahang mambabatas na is Cavite 4th district Rep. Elpidio ‘Pidi’ Barzaga Jr.
Abril 27 nang pumanaw si Barzaga sa California USA sa edad na 74.
Kinilala rin sa resolusyon ang pagsusulong ng kongresista sa hustisya at kapakanan ng nangangailangan na umani ng respeto mula sa iba pang mga kinatawan at kaniyang constituent sa Dasmariñas City.
Marami ring kontribusyong panukala si Barzaga pagdating sa edukasyon, kalusugan at poverty alleviation.
Aminado naman si Speaker Romualdez na marami sa kanila ang nalulungkot sa pagpanaw ng Cavite solon, lalo na yung mga nakasama na niya noong mga nakaraang Kongreso.
Sa ngayon, inaasikaso na aniya ng pamilya Barzaga, sa pangunguna ng kaniyang maybahay na si Mayor Jennifer Austria-Barzaga, ang pag-papauwi sa labi ng namayapang kongresista.
Nakikipag-ugnayan din aniya sila sa Consul General sa San Francisco para mapabilis ang proseso ng pag-uwi ni Barzaga.
Dahil naman sa malapit na ang mid-term elections, alanganin na ani Romualdez na magpatawag pa ng special elections sa naiwang distrito ni Barzaga kaya’t magtatalaga na lamang aniya sila ng legislative caretaker para dito.| ulat ni Kathleen Forbes