Binigyang diin ng ilang kongresista ang kahalagahan na magkakasundo sa layunin, direksyon at idelohiya ang mga partido politikal na makikipag-alyansa sa Partido Federal ng Pilipinas na siyang partido ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Kasunod ito ng anunsyo ng presidente na makikipag alyansa ang PFP bilang paghahanda sa 2025 mid-term elections.
Ayon kay Quezon Rep. David Suarez, spokesperson ng LAKAS-CMD mahalaga na isulong din nila ang panawagang unity o pagkakaisa ng Pangulo, hindi lang sa national level kundi maging sa provincial at local levels.
Sinabi rin nito na sa Miyerkules ay pormal na papandayin ng LAKAS CMD at PFP ang kanilang alyansa.
“As the spokesperson of LAKAS-CMD, we will be forging our alliance with Partido Federal on Wednesday. And we look forward to establishing and building on this alliance because number 1 we share common values, we share a lot of commonalities when it comes to ideology, of course we carry the presidents banner, calling for unity, development and progress and I think this should be the basis of unity for all the other political parties that want to align with the PFP at ang mahalaga din po dito mga kasama ay palapit na po kasi tayo sa mid term elections which is happening next year. So, it is also vital for us na makita din po natin tong alliances not only on the national level, but also on the provincial and local levels as well,” giit ni Suarez.
Sabi naman ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, na mula rin sa LAKAS, mahalaga na ang mga partido at kanilang miyembro na makikipag-alyansa ay handang makipatulungan sa Presidente para sa ikabubuti ng bansa.
“…we are forming a coalition, anybody is welcome pero iyong mga partido po dapat naka-align po sa priority ng ating administration. Mahirap naman po din na kung halimbawa may sinusulong ang ating Presidente tapos taliwas ang inyong posisyon doon eh medyo ang question po is not on the part of the President or the leadership of these two parties that are to coalesce tomorrow but the question really is, sino ba talaga iyong mga tao, personalities behind these parties who are willing to work for the President, for the betterment of the country,” ani Adiong.
Sinangayunan ito ni Suarez at sinabi na hindi dapat para sa comfort o pansariling interes lang ang pakikipag-alyansa ngunit dapat ay kaisa sa hangarin ng Presidente.
“..hindi ka puwede na alliance out of comfort dapat alliance ka because of progress at kung progress at development ang pag-uusapan natin dapat in line ka, dapat sumasang-ayon ka, dapat nanduon ka sa posisyon ng Pangulo dahil iyon ang kaalyansa mo. Saan ka naman nakakita ng kaalyansa mo na hindi kayo nagkakasundo at hindi kayo nagkaka-ugnay sa mga polisiya,” punto ni Suarez.
Bilang miyembro naman ng Aksyon Demokratiko, welcome para kay Manila Rep. Joel Chua ang anunsyo na ito ng Pangulo.
“Ako lang ang mag-isang Aksyon Demokratiko sa Congress eh. Kaya it’s a welcome development kung tayo po ay iko-consider na maging alliance sa ating Pangulo dahil unang una po sa lahat naniniwala naman po ako na dapat lahat naman po tayo nag tutulungan.” Sabi ni Chua.| ulat ni Kathleen Forbes